
Saan ba nangagaling ang mga himala? Ito'y nagmula sa isipan ng dalawa sa pinaka-maimpluwensyang nilalang sa mundo ng Pelikulang Pilipino, sina direktor Ishmael Bernal at ang manunulat na si Ricardo Lee. Taong 1982, kalahok sa taunang pista ng Pelikulang Pilipino ang Himala (Experimental Cinema Of The Philippines). Hindi pangkaraniwang pelikula ang Himala. Tinugis nito ang ating sariling paniniwala, totoo ba ang mga himala? Katanungang nakaukit na sa ating kaisipan. Ano ba talaga ang nakita ni Elsa (Nora Aunor) habang may
Kaiba ang husay na ipinamalas ni Nora Aunor sa papel ni Elsa. Sa pamamagitan ng kanyang mga mata, nakita natin ang mga pagbabagong nagaganap sa kanyang paligid. Naging epektibo ang pagsasakarakter ni Bb. Aunor sa katauhan ni Elsa, hindi lamang sa pisikal na kaanyuan kundi maging ang pagkatao nito. Muli niyang itinaas ang antas sa sining ng pagganap na tumatagos sa kamalayan ng manonood ng Pelikulang Pilipino. Hindi man nagantimpalaan ang angking talinong kanyang ipinamalas sa pelikula, ito ay nakaukit na sa imahe ng kulturang Pilipino at hindi na makakalimutan kailanman. Bukod sa pangunahing bituin ng Himala, ang may pinakamahalagang papel na ginampanan dito ay si direktor Ishmael Bernal. Ang pagbibigay-buhay sa mga tauhan ng pelikula at sa kuwento nito ay hindi madaling gawin ngunit kanya itong nabigyan ng kakaibang kulay at buhay. Sinalamin ng Himala ang buhay ng mga Pilipino, ang ating paniniwalang isang himala ang magiging kasagutan sa mga suliraning matagal na nating kinikimkim. Nagkalat pa rin hanggang ngayon ang mga taong tulad ni Elsa, nagbebenta ng himala at patuloy pa ring binibili ng mga tao. Bakit? Dahil kahit paano'y naiibsan nito ang bigat ng ating kalooban. Sinasabing ang pelikula ay salamin ng buhay, patunay dito ang Himala, nakita natin ang ating mga sarili hindi lamang kay Elsa kundi pati na rin sa mga naninirahan sa Baryo Cupang.
No comments:
Post a Comment