Wednesday, January 6, 2010

KUKO KO SA MAYNILA :


Sa unang pagtatanghal ng Cinema Artists ay nakapaghandog ito ng isang matapang at mahalagang pelikula. Ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag (1975) ay isang masusing komentaryo sa pagsasamantala ng siyudad sa mga probinsiyano at patotoo sa mga karanasang pinagdaanan ng mga ito sa patuloy na pakikipagsalaran sa mabangis na lungsod. Ang kasaysayan ay umiikot sa paghahanap ni Julio Madiaga (Rafael Roco, Jr.) sa kasintahang bigla na lamang naglaho sa Maynila matapos itong pangakuan ng maayos na hanapbuhay sa siyudad. Sanhi ng paghahanap na ito ay namasukan si Julio sa konstruksiyon, dinala din ito ng pelikula sa iskuwater, nagsisiksikang mga gusali, at sa mga lugar na kaakibat ang lubos na karukhaan. Tanging pagdudumahop at pagsasamantala sa kapwa ang paraaan upang makaahon sa impiyernong kinsasadlakan. Sina Julio at ang kasintahang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel) ay kapwa biktima ng paghihikahos sa probinsiya na unti-unting naakit ng pag-asang nasa siyudad ang kasagutan sa kanilang kahirapan. Ngunit ang pag-asang ito'y winasak ng lipunang hindi matanggap ang kanilang payak at ordinaryong pagkatao. Ang kanilang trahedya ay pangkaraniwan sa mga bansang pausbong tungo sa kaunlaran kung saan ang lungsod ay inaakalang may kakayahang magpalaya. Ngunit ito rin ang kumikitil ng kanilang pag-asa.

Kapuri-puri ang pagganap ng mga pangunahing bituin sa pelikula. Sa tagpong ikinukuwento ni Ligaya kung paanong mula sa probinsiya ay dinala ito sa isang kasa hanggang sa maging maybahay siya ng isang Intsik sa Ongpin. Nagtapos ang kayang kuwento nang tuluyang nitong ilabas ang nagpupuyos na damdamin. Ang paglikha ni Brocka sa nasabing tagpo ay mahalaga sa mga pangyayaring ipinakita sa pelikula. Naging biktima si Ligaya ng marahas nitong kapaligiran. Muling pinatunayan ni Hilda Koronel ang kanyang husay sa pagganap. Mababanaag sa maamo nitong mukha ang hirap na pinagdaanan sa kamay ng mga mapagsamantala, sa pagkasira ng buo nitong pagkatao. Ngunit hindi maitatanggi ang impluwensiya ng kanyang direktor na siyang naghubog ng nasabing tagpo upang maiparating sa manonood ang hapdi at sakit na kanyang nararamdaman. Kay Rafael Roco, Jr ay natagpuan ni Lino Brocka ang isang aktor kung saan ang paggamit ng mga mata at mukha ay maaring maging instrumento sa pagpapahayag ng angkop na emosyon. Sa papel ng isang probinsiyano kung saan ang panlilinlang at pagsasamantala ang siyang nagtulak kay Julio upang ipaghiganti ang sinapit ng kasintahan, isinalarawan ni Roco ang isang makatotohanang pagganap ng isang lalaking naging biktima ng pagsasamantalang nagtulak tungo sa kanyang kasiraan at tuluyang pagkalunod sa lungsod na lumamon sa kanyang pagkatao. Ang tema ng pelikula ay ang kahirapang nagpapababa sa katauhan ng tao sa siyudad at kung paano nito pinababagsik ang pinakamahinahong indibidwal na paulit-ulit pinagsasamantalahan ng mayaman at makapangyarihan. Sa pagsasalarawan ni Brocka sa kapalaran ng mga dukha, tinuligsa niya ang pamahalaan na ginagawang kalakal ang mga larawan ng kahirapan sa siyudad.
Walang iisang batas ang paggawa ng pelikula. May pormula ang mga pelikulang komersiyal, ngunit isa lamang itong anyo ng pelikula. Lumilihis ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag ni Lino Brocka sa nasabing pormula at sa paglihis na iyon, tinuturuan tayo ng bagong paraan sa pagsapol ng karanasang hatid ng mga larawan sa puting tabing Tinuturuan din tayo na maaring humiwalay ang isang manlilikha sa mga paraan ng pagpapaunawa o pagpapahiwatig sa kinaugalian na ng ibang direktor sa bansa. At higit na mahalaga, tinuturuan din tayo bilang manonood na makipagtalo sa manlilikha hinggil sa kaisipan at damdaming idinudulot ng pelikula. Kailangan ng industriya ang mga pelikulang magmumulat dito na may tungkulin din itong pag-isipan ang mga kumbensiyong humuhubog sa mga produkto nito. At kailangan naman ng mga manonood ang pelikulang tulad ng Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag na yumanig sa nakagawian nang pasibong pagharap sa mga larawang nagkukuwento sa puting tabing.

No comments:

Post a Comment

PANG AWARD :)

My photo
. simple student of manila ;)