MAPULANG PEBRERO KAPAMILYA inihahandog ng ABS-CBN And TELEVISA
ANG BIDA NA KONTRABIDA RUBI
FULL TRAILER OF RUBI Rubi ay kwento ng isang magandang babaeng nagnais na umangat ang buhay sa Lipunan ta maging mayaman , Sa Kagustuhan nyang umahon ang buhay sa kahirapan handa nyang tapakan ang mga taong nakapaligid sa kanya at ang mga taong ngamamahal sa kanya . Halika at tuklasin natin ang pakikipag - sapalaran ng " BIDA NA KONTABIDA " sa mundo ng apoy at kadiliman upang makamit ang pangarap nya .
Mula sa sulok - sulok na bahagi ng kalakhang Maynila nabuo ang isang Makabuluhang Pelikula na nagwagi don ng iba't ibang parangal at umani ng papuri sa loob ng bansa . Mula sa kaisipan at sa Obra maestra ni Domingo Landicho nabuo ang kwento ng pag-ibig katiwalian at pagnanasa sa loob ng Maynila .
Naging Masalimuot ang buhay ni Ada ( Angelu De Leon) nang makulong ang kanyang Ama na si Roque ( Bembol Roco ) matapos magtangkang magnakaw sa isang bangko sa maynila , Sa kahirapan Napilitang Makilaguyo ang ina ni Ada na si Azun( Elizabeth Oropeza) kay Timo ( Christopher De Leon ) na isang siga at KOTONG sa maynila . Sa dala ng kapabayaan Ginhasa ni Timo si Ada . Matapos noon nagsumbong si Ada sa kanyang ina , ngunit ito ay hindi nainiwala at bingi sa kanyang hinaing . Lumayas si Ada sa kanilang tirahan at Masalimuot na buhay pa laloang kanyang tinahak sa Maynila sa muka ng prostitusyon at kahirapan . Sa Pelikulang ito sumikat ang linyang " Sawa na ako na laging tinatapakan inay ! minsan ako naman ang mananapak kung kinakailangan ! " ika nga sabi ni Ada .
Naging Makahulugan ang Pagkakaroon ng Pelikulang Sensitibo para sa mga nakararami . ipinakikita dito na talamak parin ang gulangan at karahasan laban sa mga kababaihan at ang mga programang hindi naisasakatuparan ng Gobyerno ukol sa Programang pang kababaihan at pangkapayapaan ng buong siyudan at pamayananan.
sa panibagong edisyon ng pelikulang pilipino isang makabuluhang pelikula ang tampok namin ang pelikulang tumatalakay sa mga suliraning panglipunan sa kalakhang maynila , at maging sa iba't ibang panig ng bansa .
Ang U-BELT ( university belt) ay itinuturing na may pinaka malaking pursyento ng populasyon sa bansa , dahil sa mga Unibersidad dito at mga estudyante na nagbibigay kulay sa masalimuot na buhay dito . narian na rin ang mga malls at mga unibersidad na may malalaking establisimyento at dahil madaming pumapasok dito ito ang dahilan ng paglobo ng populasyon nito .
Sa pelikulang U-BELT ( ni Donn Remo ) ipinakita ang tunay at panget na muka ng U-belt sa panig ng Drugs , Bugaw at Prostitusyon ng mga Kolehiyala dito . sa istorya dito sa tatlong dlagita na CO-ED ng U-belt umikot ang istorya , isang naghahanap ng mabilisang pagasenso , isang napilitan lang magbenta ng katawan para makatapos sa pag-aaral at isang inosente sa kamunduhan . Lhat sila ay sasabak sa maling gawain para magakapera at matustusan ang Edukasyon kanilang hinahangad .
Sa pagpapakita ng mga Eksena sa U-belt tahasang ibinulgar ang maling pagtrato ng komunidad sa sarili nitong mamamayan at ang muka ng pagsasamatala at kahirapan . kahit nkalagay sa genre ng pelikula na ito'y " BOLD " o " SEX MOVIES " maituturing ito bilang isang makabuluhang pelikula sa paghahayag ng makatotohanang isyu ng lipunan .
Sa unang pagtatanghal ng Cinema Artists ay nakapaghandog ito ng isang matapang at mahalagang pelikula. Ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag (1975) ay isang masusing komentaryo sa pagsasamantala ng siyudad sa mga probinsiyano at patotoo sa mga karanasang pinagdaanan ng mga ito sa patuloy na pakikipagsalaran sa mabangis na lungsod. Ang kasaysayan ay umiikot sa paghahanap ni Julio Madiaga (Rafael Roco, Jr.) sa kasintahang bigla na lamang naglaho sa Maynila matapos itong pangakuan ng maayos na hanapbuhay sa siyudad. Sanhi ng paghahanap na ito ay namasukan si Julio sa konstruksiyon, dinala din ito ng pelikula sa iskuwater, nagsisiksikang mga gusali, at sa mga lugar na kaakibat ang lubos na karukhaan. Tanging pagdudumahop at pagsasamantala sa kapwa ang paraaan upang makaahon sa impiyernong kinsasadlakan. Sina Julio at ang kasintahang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel) ay kapwa biktima ng paghihikahos sa probinsiya na unti-unting naakit ng pag-asang nasa siyudad ang kasagutan sa kanilang kahirapan. Ngunit ang pag-asang ito'y winasak ng lipunang hindi matanggap ang kanilang payak at ordinaryong pagkatao. Ang kanilang trahedya ay pangkaraniwan sa mga bansang pausbong tungo sa kaunlaran kung saan ang lungsod ay inaakalang may kakayahang magpalaya. Ngunit ito rin ang kumikitil ng kanilang pag-asa.
Kapuri-puri ang pagganap ng mga pangunahing bituin sa pelikula. Sa tagpong ikinukuwento ni Ligaya kung paanong mula sa probinsiya ay dinala ito sa isang kasa hanggang sa maging maybahay siya ng isang Intsik sa Ongpin. Nagtapos ang kayang kuwento nang tuluyang nitong ilabas ang nagpupuyos na damdamin. Ang paglikha ni Brocka sa nasabing tagpo ay mahalaga sa mga pangyayaring ipinakita sa pelikula. Naging biktima si Ligaya ng marahas nitong kapaligiran. Muling pinatunayan ni Hilda Koronel ang kanyang husay sa pagganap. Mababanaag sa maamo nitong mukha ang hirap na pinagdaanan sa kamay ng mga mapagsamantala, sa pagkasira ng buo nitong pagkatao. Ngunit hindi maitatanggi ang impluwensiya ng kanyang direktor na siyang naghubog ng nasabing tagpo upang maiparating sa manonood ang hapdi at sakit na kanyang nararamdaman. Kay Rafael Roco, Jr ay natagpuan ni Lino Brocka ang isang aktor kung saan ang paggamit ng mga mata at mukha ay maaring maging instrumento sa pagpapahayag ng angkop na emosyon. Sa papel ng isang probinsiyano kung saan ang panlilinlang at pagsasamantala ang siyang nagtulak kay Julio upang ipaghiganti ang sinapit ng kasintahan, isinalarawan ni Roco ang isang makatotohanang pagganap ng isang lalaking naging biktima ng pagsasamantalang nagtulak tungo sa kanyang kasiraan at tuluyang pagkalunod sa lungsod na lumamon sa kanyang pagkatao. Ang tema ng pelikula ay ang kahirapang nagpapababa sa katauhan ng tao sa siyudad at kung paano nito pinababagsik ang pinakamahinahong indibidwal na paulit-ulit pinagsasamantalahan ng mayaman at makapangyarihan. Sa pagsasalarawan ni Brocka sa kapalaran ng mga dukha, tinuligsa niya ang pamahalaan na ginagawang kalakal ang mga larawan ng kahirapan sa siyudad. Walang iisang batas ang paggawa ng pelikula. May pormula ang mga pelikulang komersiyal, ngunit isa lamang itong anyo ng pelikula. Lumilihis ang Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag ni Lino Brocka sa nasabing pormula at sa paglihis na iyon, tinuturuan tayo ng bagong paraan sa pagsapol ng karanasang hatid ng mga larawan sa puting tabing Tinuturuan din tayo na maaring humiwalay ang isang manlilikha sa mga paraan ng pagpapaunawa o pagpapahiwatig sa kinaugalian na ng ibang direktor sa bansa. At higit na mahalaga, tinuturuan din tayo bilang manonood na makipagtalo sa manlilikha hinggil sa kaisipan at damdaming idinudulot ng pelikula. Kailangan ng industriya ang mga pelikulang magmumulat dito na may tungkulin din itong pag-isipan ang mga kumbensiyong humuhubog sa mga produkto nito. At kailangan naman ng mga manonood ang pelikulang tulad ng Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag na yumanig sa nakagawian nang pasibong pagharap sa mga larawang nagkukuwento sa puting tabing.
Sa Relasyon (Regal Films, Inc., 1982) ni direktor Ishmael Bernal nakapanood tayo ng isang uri ng pelikulang angkop sa sensibilidad ng makabagong panahon. Ang mga problemang sikolohikal ay mauunawaan lamang ng mga manonood na may husto at bukas na kaisipan. Karaniwang suliranin ang tahasang pagtanggap sa katayuan ng kalalakihan sa lipunang Pilipino nang walang pagtatanong. Nararapat lang na magkaroon ng kabit ang mga ito, na kinakailangang laging tapat ang mga kababaihan. Ang lalaki ang gumagawa ng mga desisyon tulad halimbawa nang kanilang magiging tirahan, anon'ng uring hanapbuhay ang dapat pasukan, o kung saang restaurant dapat kumain. Kadalasa'y tagasunod lamang ang mga babae. Isinasampal ng bansang Pilipinas na sa pulitika, ang mga kababaihan ay halintulad sa mga kalalakihan ngunit kung susuriin sa ibang sektor ng lipunan tulad ng kabahayan, lalaki ang amo at alipin ang babae. Diborsyo ang isang temang tinalakay sa Relasyon. Paulit-ulit pinag-usapan sa pelikula ang kawalan ng diborsyo sa Pilipinas. Maraming ipinakitang mga posibilidad, ngunit nananatili pa ring Katoliko ang bansa kung kaya't walang itong puwang para sa diborsyo. Malinaw na ipinahiwatig dito na hindi na maari pang maayos ang pagsasama ni Emil at ng kanyang asawa. Dahil si Emil ang representante ng lalaking Pilipino at ang binalewalang asawa ay tipikal ng mga kababaihan, ating naintidihan ang kawalan ng pag-asa sa kanilang pagsasama. Sa isang banda, nasaksihan naman natin ag pagmamahalan nina Marilou (Vilma Santos) at Emil (Christopher de Leon) na maari silang magsama bilang mag-asawan ngunit maliwanag na kinakailangan silang tanggapin ng lipunan. Maaring maging dahilan ito upang magkaroon ng diborsyo sa bansa.
Sa kabuuan, mahusay ang pagsasalarawan ni Vilma Santos ng kanyang papel bilang Marilou ngunit hindi ito maihahanay sa ibang pelikula kung saan kinakitaan ang aktres ng kaibahan sa kanyang pagganap tulad ng ating nasaksihan sa Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977) at Broken Marriage (1983). Samantalang ibayong talino naman ang ipinamalas ni Christopher de Leon bilang Emil. Naipahiwating lang sana ng maayos ang motibo ni Emil sa pakikisama nito kay Marilou. Hindi maitutulad ang aspetong teknikal ng Relasyon sa ibang obra ni Bernal. Ang disenyong pamproduksiyon ni Benjie de Guzman ay hindi kapani-paniwala. Ipinakitang mababa ang estado ng kabuhayan ni Marilou ngunit madalian siyang nakakuha ng isang libong piso sa bangko. Ang mga tulad nito ay karaniwang walang natatagong ganoong kalaking halaga. Halos hindi marining ang musika ni Winston Raval habang ang sinematograpiya ni Sergio Lobo ay kadalasang nababalot ng dilim. Makikita din ang pagkakamali ng editing ni Augusto Salvador. Sa isang tagpo ay ipinakitang walong buwan nang nagsasama sina Marilou at Emil at nang sumunod na mga eksena, tinanong nito si Emil kung ilang taon na silang magkasama. Ngunit sa kabila ng mga pagkukulang na ito, naging matagumpay pa rin si direktor Ishmael Bernal sa kanyang paglalahad ng isang pelikulang sumubok sa ating mga kaalaman at paniniwala.
Saan ba nangagaling ang mga himala? Ito'y nagmula sa isipan ng dalawa sa pinaka-maimpluwensyang nilalang sa mundo ng Pelikulang Pilipino, sina direktor Ishmael Bernal at ang manunulat na si Ricardo Lee. Taong 1982, kalahok sa taunang pista ng Pelikulang Pilipino ang Himala (Experimental Cinema Of The Philippines). Hindi pangkaraniwang pelikula ang Himala. Tinugis nito ang ating sariling paniniwala, totoo ba ang mga himala? Katanungang nakaukit na sa ating kaisipan. Ano ba talaga ang nakita ni Elsa (Nora Aunor) habang may eclipse? Halos lahat ng naninirahan sa Baryo Cupang ay pinaniwalaan si Elsa. Isa na dito si Chayong (Laura Centeno), ang matalik na kaibigan at kababata ni Elsa. Nanalig din sa kanya sina Mrs. Alba (Veronica Pallileo), Sepa (Amable Quiambao), at Baldo (Ben Almeda). Sa paniniwalang mapapasakanya na rin ang pinakaaasam na pagkatataong makilala bilang isang ganap na direktor, nagpunta si Orly (Spanky Manikan) sa Baryo Cupang para isapelikula ang mga pangyayari sa buhay ni Elsa. Nagbalik din sa nilisang bayan si Nimia (Gigi Duenas), upang makinabang din sa bumubulusok na pag-unlad ng Baryo Cupang. Kasabay sa pag-usad ng ekonomiya sa maliit na baryo ay ang lumalalang problema ng prostitusyon, epidemya at ang tahasang pagbebenta ng mga milagro, kung saan pinagkakitaan ng mga taga Baryo Cupang ang mga dayuhan at turistang nagnanais hingin ang tulong ni Elsa. Unti-unting naapektuhan ng mga di inaasahang pangyayari ang takbo ng buhay sa Baryo Cupang at tuluyan nang tumigil sa pangagamot si Elsa, nagsilisan na ang mga bisita at turista. Isang araw, ang lugar na bihirang datnan ng ulan ay binalot ng isang malakas na buhos nito at sa pag-aakalang ang ipinagbubuntis ni Elsa ay isang himala, muli silang nagtipon-tipon sa burol, kung saan unang nakita ni Elsa ang imahe ng Mahal Na Birhen. Doon ay tahasang sinabi ni Elsa sa madla ang katotohanan, kung ano kanyang tunay na saloobin, ang mga pangyayaring siya lamang ang tunay na nakakaalam. Walang himala! wika niya. Ibinuhos ni Elsa ang buong damdamin sa harap ng libong taong naniniwala sa kanya, hanggang sa bigla siyang binaril habang nagsasalita. Hindi na mahalaga kung sino at ano ang motibo ng taong pumatay sa kanya. Sa burol nagsimula, at sa burol din nagtapos ang lahat. Si Elsa ba ay isang Santa? Hindi ko alam ang kasagutan sa tanong na ito.
Kaiba ang husay na ipinamalas ni Nora Aunor sa papel ni Elsa. Sa pamamagitan ng kanyang mga mata, nakita natin ang mga pagbabagong nagaganap sa kanyang paligid. Naging epektibo ang pagsasakarakter ni Bb. Aunor sa katauhan ni Elsa, hindi lamang sa pisikal na kaanyuan kundi maging ang pagkatao nito. Muli niyang itinaas ang antas sa sining ng pagganap na tumatagos sa kamalayan ng manonood ng Pelikulang Pilipino. Hindi man nagantimpalaan ang angking talinong kanyang ipinamalas sa pelikula, ito ay nakaukit na sa imahe ng kulturang Pilipino at hindi na makakalimutan kailanman. Bukod sa pangunahing bituin ng Himala, ang may pinakamahalagang papel na ginampanan dito ay si direktor Ishmael Bernal. Ang pagbibigay-buhay sa mga tauhan ng pelikula at sa kuwento nito ay hindi madaling gawin ngunit kanya itong nabigyan ng kakaibang kulay at buhay. Sinalamin ng Himalaang buhay ng mga Pilipino, ang ating paniniwalang isang himala ang magiging kasagutan sa mga suliraning matagal na nating kinikimkim. Nagkalat pa rin hanggang ngayon ang mga taong tulad ni Elsa, nagbebenta ng himala at patuloy pa ring binibili ng mga tao. Bakit? Dahil kahit paano'y naiibsan nito ang bigat ng ating kalooban. Sinasabing ang pelikula ay salamin ng buhay, patunay dito ang Himala, nakita natin ang ating mga sarili hindi lamang kay Elsa kundi pati na rin sa mga naninirahan sa Baryo Cupang.
Ang Manila By Night (Regal Films, 1980) na nakilala bilang City After Dark matapos na ito ay tampalasanin at kaltasan ng mahahalagang mga dayalogo at tagpo ng sensura sa ilalalim ng diktadurang Marcos. Nang imbitahan si direktor Ishmael Bernal na itampok ang kanyang pelikula sa Berlin Film Festival, pinagkaitan ito ng export permit kung kaya't hindi nakalabas ng bansa ang Manila By Night.
Ano ba ang lubhang ikinagalit ng diktadura sa pelikula ni Bernal? Sa panahong naghahanda si Marcos upang wakasan ang pag-iral ng Batas Militar, nang mapaganda ang kanyang imahe sa labas ng Pilipinas, puspusang isinagawa ng Unang Ginang ang pagpapaganda sa siyudad ng Maynila. Ipinalinis ang mga kalye, tinamnan ng mga puno at bulaklaking halaman ang gitna at gilid ng mga ito, nagpatayo ng low cost housing, at pinasok ng gobyerno ang retail trade upang magbili ng mga consumer goods sa mababang halaga. Binansagan ni Ginang Marcos ang pinagandang Maynila bilang City Of Man at hinangad na palaganapin ito sa propaganda ng Bagong Lipunan bilang tampok na halimbawa ng pagbabagong naganap sa Pilipinas mula nang ito ay ipailalim sa Batas Militar.
Buong kapangahasang sinagasa ni Bernal ang makinarya ng propaganda ng Unang Ginang. Ang direktor mismo ang sumulat ng dulang pampelikulaat dito ay ilang kuwento ang isinalaysay niya, at ang bawat isa ay tungkol sa puta. May inang dating puta na ngayo'y respetableng maybahay ng isang pulis, nakatira sa isang respetableng sabdibisyon. Ang anak nitong tinedyer ay nagdudurog at sa panahong itinakbo ng pelikula ay nakipagrelasyon ito sa isang baklang kosturera at higit na malululong sa kanyang bisyo. Sa isa pang kuwento, may putang nagpapanggap na nars tuwing lalabas ito sa gabi, kabit siya ng isang taxi driver na may dalawang anak at naninirahan sa isang entreswelo. Sa bandang huli ng pelikula, papatayin ang puta ng isang di kilalang tao at ang paghanap sa kanyang bangkay ay magtutulak sa baklang kosturera sa pagkilalang ang lahat ng pakikipag-ugnayan ng tao sa siyudad ay pawang nakasalalay lamang sa kasinungalingan. May dalawa pang puta, ang isa ay probinsiyanang waitress sa isang restawran ng Intsik, na binuntis ng taxi driver na ka-relasyon ng putang nagpapanggap na nars, at ang isa pa ay putang bulag na namamasukan bilang masahista.
Malinaw at tahasan ang pagsalungat na ginawa ni Bernal sa propagandang City Of Man ang Maynila. Ipinakita niyang ang siyudad ay may ibang buhay pagsapit ng dilim, at ang buhay na iyon ay kahirapan, panlilinlang, kriminalidad, kabulukan at pagtakas. Sa mga huling sandali ng Manila By Night, ang tinedyer na anak ng dating puta ay nakatakas sa mga maykapangyarihang humahabol dito, pagod na pagod sa katatakbo, inilatag nito ang katawan sa damuhan sa Rizal Park, habang nagbubukang-liwayway at ang parke ay pinupuno ng mga taong nakaputi at nag-eehersisyo. Isinasara ng Maynila ang gabi ng mga puta at durugista upang pagbigyan ang araw ng mga respetableng mamamayan.
Bago naipalabas ang Manila By Night, kinailangan itong bihisan kahit ng pamagat man lamang. Kinaltas ang lahat ng nga tagpong nagbanggit sa ngalan ng siyudad na pinangyarihan ng kuwento ng mga puta at durugista, at bininyagan itong City After Dark.
Upang ganap na maitampok ang kasalimuotan ng mga karanasang personal at panlipunan, malikhaing nagamit sa Brutal ang sistematikong estratehiya ng pagbabalik-larawan. Naging masinop at dramatiko ang sinematograpiya ni Manolo Abaya sa pagtatanghal ng madilim, malungkot at nakapangingilabot na imahe ng tahanan nina Tato, gayundin ang pagpapahirap, kawalang-pag-asa at kawalan ng pananalig ni Monica. Matingkad at pasukdol ang pagsasalarawan ng karahasang dinanas ng babae sa pelikula. Bagaman nakaririmarim, kung minsa'y nakakasindak ang karanasang danas ng nito sa kamay ng kanyang asawa, gayundin ang pagpataw ng mga panlipunang ekspektasyon at pagkahon ng mga babae. Paggamit dito bilang pampalubag ng pagnanasang seksuwal, paghahanap sa kadalisayan ng babae at pagkukulong ng babae sa tahanan. Ang malungkot na kasaysayang ito ay mahusay ding naisabuhay ng pambihirang galing sa pagganap. Mapangumbinsi ang pagganap ni Amy Austria sa malungkot na paglalarawan, hindi lamang ng pisikal na panggagahasa kundi maging sa pagsasamantalang dulot ng relasyong piyudal. Nagkaroon pa ng lalim ang kuwentong ito dahil sa masalimuot, mapangahas at makatotohanang pagtatampok sa sikolohiya ng biktima. Nangingibabaw ang pagganap ni Gina Alajar sa papel ni Cynthia. Biktima rin si Cynthia dahilan sa ginagahasa maging ang kanyang humanidad. Aktibong naghahanap ang kanyang katawan ng sariling biolohikal na kabusugan sa pamamagitan ng isang proseso kung saan nakikibahagi ang mga lalaki. Nakaantig ang transpormasyon ng kanyang karakter tungo sa pagbabago ng kanyang pagiging babae. Samantala, ang Brutal ay mapaglarawan sa kagyat na usaping panlipunan mula sa lenteng pangkasarian at makauri, sa bandang huli'y higit na makabuluhan at nangingibabaw ang pagpapamalas ng mga suliranin, kahinaan at kaapihan upang makapaglimi at sa katapusan ay nagpapatanaw ng pag-asa at landas tungo sa paglaya.
MGA ESTILO NG MGA PELIKULANG KAKAIBA , IN SHORT ASTIG .
PELIKULA , TELESERYE AT LIBRO .. YAN ANG MGA TRIP KO !
HAHA :]] ETO ANG FAMAS/OSCARS/URIAN/ AT KUN ANO ANO
PANG AWARDS PARA SA INYO :]]
ENJOY READING MY REVIEWS :]]
MGA PELIKULANG DAPAT AT KARAPATDAPAT GAWARAN NG PARANGAL DAHIL SA KAKAIBANG ISTILO AT DESENYO NG KONSEPTO , ARTISTA AT PRODUKSYON PATI NARIN ANG MGA DIREKTOR NITO . WELL .
WELCOME TO MY BLOG POST NAKANANGPUCHA.BLOGSPOT.COM ADD MY FACEBOOK ACCOUNT INFO IN MY BADGE ABOVE ..